Magkahawak-kamay tayong bumati
sa ragasa ng mga alon,
tumapak sa marurupok na kabibeng
nabiyak nang tahimik sa buhangin.
Magkahawak-kamay nating tinanaw
ang balangkas ng bundok sa malayo
samantalang gumagapang
ang kilabot ng lamig sa ating bisig—
hindi na natin pag-aalabin pa
sa matinding paghapit.
Mag-iingat lamang na hindi na muling
maging mabibigat na lubid
ang mga daliring magkakawing.
Magkahawak-kamay nating tatanawin
ang mga tala sa gabi, bubulong ng dalangin
nang malaktawan ang mga banging
laging nag-aabang sa ating pagkadupilas,
mga ngipin ng matutulis na bato
sa kailaliman handang-handang sumugat
sa ating hapong sakong sa munting pagkalingat.
Magkahawak-kamay na hindi aalagatain
ang pagkalanta ng kay raming rosas,
pagkalusaw ng bloke-blokeng tsokolate
sa bulsa at handbag sa nangakaraang
Araw ng mga Puso—at, sa halip,
mag-iingat sa pagtangan, paghaplos, pag-alalay
upang huwag nang magurlisan ang balat at laman
na umuurong, lumuluwag, lumalaylay
pinupuno ng katahimikan ang sari-saring kagamitan
sa bahay, na sa katagalan, siyang natututong
sa atin mangusap ng iisang litanya—
Maghawak-kamay sa umaga
Maghawak-kamay sa maghapon
Maghawak-kamay, ay, maghawak-kamay sa takipsilim
Tila kabibeng magkadaop-palad sa mga banal na lihim.
—Benilda Santos