Apat na Tula ni Reuel Molina Aguila
Takas sa Realidad
Nais ko?y isang marahang paglalakad
Sa isang tahimik na kakahuyan,
Isang nagmamadaling-araw:
Basa ang hangin
At may damong kaniig pa ang hamog;
Naglalagos-lagos
Ang sinag ng araw sa mga sanga?t dahon;
At dinig ang huni ng ilang ibon.
At maglalakad ako nang maglalakad
Hanggang mahapo nang banayad.
Nais ko?y maupo panandalian
Sa isang batong tahimik
Na saksi sa paligid:
Paruparong kagigising, nag-aantok,
Naghihikab pang bubuyog
Tutubing naghihilamos, nananalamin
Sa munting ilog.
Nais ko?y mahabang paglalakad;
Marahang marahan,
At nais ko?y ang kasama?y ikaw.
Mula
Sa alarm clock, natutunan ko ang sarap ng tulog.
Sa siksikan sa sasakyan, ang lawak ng barung-barong
Sa punch card, ang ikli at haba ng oras
Sa saglit na higa sa semento, ang hirap ng trabaho
Sa hapdi ng sikmura, ang silbi ng tutong
Sa ulan, napahalagahan ang kapirasong karton.
Sa sugat, napansin ang kurot ng asin
Sa lagnat, nabigyang-saysay ang pawis
Sa mga batang kalye, ang haba ng pagtitimpi
Sa namamalimos, ang tibay ng loob
Sa pila ng bigas, ang pagtatakwil sa hiya
Sa presyo ng bilihin, ang matutong magsalita
Nakilala ko ang halakhak sa bulong ng pag-ibig
At ang katahimikan, mula sa iyong mga labi
Oda sa Tiyaga
Lagi pa rin akong magdaraan,
hinahanapan lagi ng pagkakataon,
sa kalyeng aking inampon, bilang akin.
Baka masumpungan kita, baka lang.
Gaya ng dati, magtatapon pa rin ako
ng isang ngiti; kahit hindi mo pulutin,
titiyakin kong hindi rin wawalisin ninuman,
hanggang magtambak ang mga ito
sa aking kalye at magbara sa mga imburnal
ng aking pagmamahal. Kayat pag umulan
ng luha, babahain ang kalye?t aapaw
ang mga ngiti ko hanggang sa iyong bintana;
nanghaharana, nagsusumamo. Ngiti?y
magiging halik na dadampi, magiging bangka.
Sasakay ka sa aking mga ngiti upang tawirin
ang mga luha; upang dalhin ka sa akin.
Soneto sa Iyong Di Pagkabatid
Magiging tulad din ng nagdaang tag-araw
ang mga uulanin at ulilang araw
na darating pa. Tatahakin kong muli
ang maalinsangang lansangan
sa aking isipan; mag-isang muli
at namumugto ang mga mata. Walang
naririnig maliban sa naghuhumiyaw
na awit ng aking pag-ibig na di mo narinig.
Kayat dinig pa rin kita, lagi?t lagi. Malinaw
pa rin ang mga alaala ng bawat saglit
na kita?y kasama. Ngunit, ikaw,
muli ka lang magpapadala ng walang ingat
na pangungumusta; di batid ang paulit-ulit
na pasakit na umuukit sa aking dibdib; malamig
sa mumunti kong kwento gaya ng laging
pag-iisa ko sa hapunan sa aking kwarto.